3 paraan para makatipid sa grocery

Isa ka ba sa mga sumasakit ang ulo pag wala ng grocery sa bahay lalo na kung wala ka ng perang pambili? Lagi ka bang nagkukulang sa perang dala mo tuwing mag-gogrocery ka dahil sumobra na ang mga produktong nakuha mo? Gusto mo ba talagang makatipid sa grocery?

photo credit: www.everydollar.com

Simulan na natin kung paano mo ito gagawin.

  1. Gumawa ng Grocery List

Bago pumunta sa grocery store, i-check muna ang stocks sa bahay. Alamin kung ano ang mga gamit na ubos na o paubos pa lang.  Isulat sa isang papel ang mga bagay na kailangan mo ng bilhin, ito ang iyong magiging grocery list. Sa pamamagitan nito, makakapag laan ka na ng budget para sa mga bibilhin mo. At ito pa, pag pasok mo pa lang sa grocery store, alam mo na kung saang section ka dapat pumunta at kung ano ang mga dapat mong kunin. Nga pala huwag kalimutang magdala ng ballpen para check ka lang ng check sa listahan mo. Eh kung wala kang listahan at hindi mo alam ang mga bibilhin mo, tiyak na mapapagod ka na mapapagastos ka pa ng sobra!

Halimbawa, hindi mo sigurado kung may suka pa kayo sa bahay, iisipin mo at pipiliting alalahanin kung meron pa nga ba o wala. Maglalakad lakad ka muna habang nag-iisip tapos bigla kang makakapag-decide, bibilhin mo na ang suka meron man kayo sa bahay o wala basta bibili ka ng suka! So nakuha mo na ang suka, lumipat ka na sa ibang section ng bigla mong maalala na wala na nga palang toyo! San ba karaniwang nakalagay ang toyo? Sa tabi ng suka! Eh malayo ka na, kaya babalik ka na naman sa lugar na merong toyo at suka.

Kung wala kang listahan, ganito ang magiging eksena mo sa pamimili, pabalik-balik, napuntahan na pupuntahan ulit dahil hindi mo alam ang mga bibilhin mo. Matatagalan ka na sa pamimili, masisira ang budget mo at uuwi ka pang masakit ang paa!

  1. Sundin kung ano ang nakasulat sa iyong “grocery list”

Minsan naman kahit na alam mo na ang iyong mga bibilhin, natutukso ka pa ring bumili ng mga wala sa listahan. At dahil diyan tiyak na magkukulang ang budget mo o di kaya ay lalagpas ka sa budget na ginawa mo.

At kapag magbabayad na sa counter, ituon ang mata sa mga pinamili at huwag ng tumingin kung saan-saan dahil kaliwa’t kanan ang mga pwede mo pang mabili diyan. May candy, tsokolate and more!

Tandaan, kaya ka nga gumawa ng listahan ay para makatipid at hindi makabili ng mga bagay na hindi mo kailangan.

  1. Bilhin ang “product” hindi ang brand o label nito

Ang mga Pinoy daw, masyadong brand conscious pagdating sa mga binibili sa loob ng supermarket. Pinipili kung ano ang ini-endorse ng mga sikat na artista at malalaking kompanya. Alam mo ba na isa sa mga paraan para makatipid sa pamimili ay ang pagbili ng mga generic brand?

Ang mga malalaking supermarket ay may kanya kanyang generic brand. Halimbawa sa SM, meron silang SM Bonus na brand. Try mong ikompara sa isang sikat na brand ang isa sa mga items ng SM Bonus at makikita mo na malaki ang matitipid mo. Bakit ba ito mura? Simple lang, dahil wala itong commercial o endorser. At alam mo ba kapag bumibili ka ng sikat na brand, isa ka na sa mga nagbabayad sa mga commercial model nila? Magkano ba ang bayad sa endorser o commercial? Mahal!

I-compare mo ang weight at volume ng isang sikat na brand sa isang generic brand,pareho lang! At tingnan mo kung ano ang pangalan ng company na gumagawa ng generic brand, tiyak magugulat ka!

Ang iba kaya di bumibili ng generic brand ay dahil baka low quality daw, syempre kung bibili ka siguruhin mong low cost nga pero may quality. At sa tingin mo ba papayagan ni Henry Sy na masira ang pangalan nya dahil sa SM Bonus products nya? At di lang naman SM ang maapektuhan nito, pati na rin ang manufacturer na gumawa ng product na karaniwang manufacturer din ng mga leading brand!

Hindi ko sinasabing bilhin mo lahat ng generic, try mo muna kung papasa ito sa pang lasa at criteria mo. Tingnan, subukan and decide it yourself.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *