Wais TIPS para makatipid sa ipangre-regalo

Mahilig ka bang magregalo? Gusto mo bang magregalo pero hindi ka makabili dahil wala kang pera pag oras na ng bilihan? O gusto mong makatipid sa mga inereregalo mo tuwing may birthday, holiday season at special occassion?

Dati isa ako sa mga namomroblema ng mga ireregalo tuwing magpapasko, ang bigat kasi sa budget kung isang bagsakan lang ang pagbili mo ng mga ito lalo na kung marami kang pagbibigyan, tsaka mabigat at mahirap ding magbitbit kung maramihan! Eh paano naman kung ang inaasahan mong pambili eh yung 13th month pay mo? Hindi naman lahat on time magbigay, baka tapos na ang pasko wala ka pa ring pang regalo!

Kaya naman narito ang mga TIPS na pwede mong i-consider pagdating sa pagreregalo:

  1. Gumawa ng listahan ng mga taong reregaluhan

Kung ikaw ay regular din namang nagbibigay ng regalo sa iyong magulang, kapatid, pamangkin, inaanak, kaibigan at sa iba pa, gumawa ng listahan kung saan isusulat mo ang kanilang mga pangalan. Ito ang iyong magiging gabay kung sinu-sino ang iyong bibigyan. Parang “inventory list” na mamo-monitor mo kung sino na ang nabilhan mo ng regalo at kung sino pa ang bibilhan.

  1. Bumili ng mga pang regalo tuwing sale at off-season

Kapag may listahan ka na, at may sobra kang pera, pwede mo ng isa-isahing bilhan ang mga pangalan sa listahan mo tuwing SALE at off-season dahil mas mura ito sa ganitong panahon.

Eto pa ang maganda sa advance na paghahanda para sa mga reregaluhan mo, kaunti o minsan wala pang nakapila sa gift wrapping section sa mga mall! Hindi mo na kailangan pang makipag-siksikan during peak season. Mura na ang nabili mo, libre pa ang wrapper mo! Pero dapat ang pipiliin mong wrapper ay yung “generic”, ito yung walang nakalagay na “happy birthday”, “I love you”, “merry christmas”, at kung anu ano pa para kahit anong okasyon pwede mong ibigay ang regalo mo. Lagyan mo na rin ng pangalan o di kaya ay pangalan ng item ang regalo para di ka mahirapan kung para kanino ang mga pinamili mo.

  1. Gumawa ng Gift Box

Para saan ang gift box? Dito mo ilalagay ang mga naiipon mong mga pang regalo, dito mo sila itatago. At kapag oras na ng pagbibigay, saka mo lang ilalabas. O di kaya naman ay halimbawa may biglaang okasyon na kailangan mong magbigay ng regalo dito ka na lang kukuha at di ka na pupunta pa ng mall para lang bumili, mas mura pa dahil ang mga item mo sa Gift box ay nabili mo sa murang halaga o SALE. Eh kung biglaan ang pagbili mo, tiyak nasa regular price ang mabibili mo.

  1. Mag-recycle ng mga regalo

Isa ito sa mga ugali ng Pinoy, lalo na pag bagong kasal, ang magtago ng mga regalo. Itatago dahil meron ng ganoong ginagamit sa bahay, doble doble na kung baga o di kaya naman ay dahil walang mapag gamitan. Hindi lang to tuwing kasal nangyayari, applicable din to sa lahat ng panahon na may nagregalo sayo na hindi mo naman gagamitin o ginamit kaya itatabi mo na lang.

Be practical! Kung hindi mo naman gagamitin at kesa masira lang ang bagay na iniregalo sayo, eh di iregalo mo na lang din sa iba, napakinabangan pa! May mga bagay kasing katatago eh lalong nasisira o dahil sa sobrang tagal ng pagkakatago nasira!

Pero dapat kapag nagre-recycle ng regalo maging wise! Kung magbubukas ka ng regalo, dahan dahanin at wag punitin ang wrapper para pwede pa ring magamit. At huwag ding itapon ang mga card na nakadikit dito para alam mo kung kanino ito nanggaling, isulat din dito kung ano ang laman ng regalo at kung meron ka na nito, ayusin at ihandang iregalo sa iba. Bakit mahalaga na isulat kung kanino ito nanggaling? Syempre, para di mo maibalik sa iba ang iniregalo nila sayo. Be wise!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *