Posible bang kumita ng pera kahit walang ginagawa?

Kapag nagtrabaho ka at binayaran ka, ang tawag dito ay income. Ito ang perang iyong natatanggap kapalit ng iyong pagtatrabaho o pagbibigay ng iyong serbisyo.

Pero alam mo na ba may dalawang klase ng income? Ang “active income” at “passive income”.

Ang empleyadong kumikita ng pera depende sa oras ng trabaho nila at sumasahod kinsenas katapusan ay tinatawag na “active income” kung saan limitado ang paraan para kumita ng pera. Kapag hindi nagtrabaho, hindi kikita.

Bakit limitado ang kita dito?

Isang magandang halimbawa dito ay ang mga construction worker kung saan babayaran sila depende kung ilang oras sila nagtrabaho.

Kung sila ay magkasakit di ba hindi sila makakapagtrabaho? Ibig sabihin wala din sila makukuhang sahod. Eh paano pa pag tumanda na sila? Syempre mas mabagal na sila gumalaw kesa sa mga bata kaya may posibilidad na matanggal pa sila sa trabaho. At pag nangyari yun, wala na rin silang income.

Kaya ito active income ay dahil pag active ka o may trabaho ka, may kikitain ka, pag tumigil ka o hindi ka na active, wala ka ng kita.

Samantala, ang passive income naman ay kumikita ka ng pera kahit di ka masyadong nagtatrabaho o kahit wala kang ginagawa ay kikita ka pa rin. Ito yung mamumuhunan ka sa simula at sa mga susunod na panahon ay wala ka na halos gagawin para kumita ang pera mong inilagay dito.

Halimbawa, kung may negosyo ka ng sabon at mag isa mo itong ibebenta active income ang tawag doon kasi ikaw ang nagtatrabaho. Pero kung hahanap ka ng ibang tao na pwedeng magbenta para sa iyo, passive income na ang tawag doon. Hindi na ikaw ang kikilos para lang mabenta ang sabon mo. Ibang tao na ang gagawa nito para sa iyo.

Ano pa? Pagpaparenta ng bahay, syempre sa simula ikaw ang magpapatayo ng bahay pero sa mga susunod na panahon, mababawi mo din naman ito kapag may mga magrerenta na sa iyo. Kikita ka mula sa mga boarders mo, kahit hindi ka magtrabaho, may pera kang makukuha sa tuwing magbabayad ng renta ang taong umuupa sa bahay mo.

Isa pang napakagandang halimbawa ng passive income at isa sa mga sikreto ng mga mayayaman kaya sila ay lalong yumayaman ay ang pag-iinvest. Sa pag-iinvest, ilalagay mo sa iba’t ibang investment instruments ang pera mo tulad stock market, UITF, mutual fund at marami pang iba. Dito, maaring kumita ang pera over time na higit na mas mataas kesa sa bangko.

Ang passive income ang nagtataglay ng mga katagang “don’t just work hard for money, make your money work hard for you” dahil kahit natutulog ka, magkasakit ka at di makapasok sa trabaho, tuloy-tuloy pa rin ang pagkita mo ng pera.

Kaya kapag may nabasa o narinig kang pwede kang kumita kahit wala kang ginagawa o kahit natutulog ka, for sure “passive income” yan. At huwag kang umasa na wala ka talagang gagawin dahil lahat ng bagay ay pinaghihirapan muna sa simula bago ito maging bukal ng kasaganaan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *